PRESS RELEASE

14 Setyembre 2004

 

 

TANADA: BAGONG PROBINSYA PARA SA MAS MATATAG NA QUEZON

 

Kamakailan ay inihapag ni Rep. Lorenzo ‘Erin’ R. Tanada III (Partido Liberal, ika-4 na Distrito ng Probinsya ng Quezon) ang House Bill 2862 na naglalayong buuin ang Quezon del Sur mula sa probinsya ng Quezon.

 

Matatandaang tinalakay na rin ang kagayang panukalang batas noong ika-11 Kongreso taong 2001 kung saan ang dating Kinatawan at Senador Wigberto ‘Ka Bobby’ Tanada at Rafael P. Nantes ng Unang Distrito ang pangunahing nagsulong nito hanggang Senado.  Naantala ang pagdinig dito dahil sa pagharap ng mga mambabatas sa kaso ng dating Presidente Estrada.

 

Sa kasalukuyan, kasama ng batang Tanada sa patuloy na pagsusulong ng nabanggit na panukalang batas sa ika-13 Kongreso ang tatlo pang kinatawan mula sa mga Distrito ng Quezon na sina Danilo A. Suarez (ika-3 Distrito), Rafael P. Nantes (Unang Distrito) at Proceso J. Alcala (ika-2 Distrito).

 

“Kung para sa ikabubuti ng buong Quezon, bakit hindi?  Mayroon naman tayong sapat na batayan upang pagtulungan ito.  Ang ating probinsya ang isa sa pinakamalaki at pinakamahaba sa ating bansa.  Dahil na rin sa katangiang ito, likas na magkakalayo ang ating mga bayan, pati na rin ang kapitolyo na nasa Lucena City pa ay hindi may kalayuan lalo na sa mga kababayan natin sa ika-3 at ika-4 na Distrito.  Mahigit kumulang dalawang (2) milyong katao ang naninirahan sa 1,251 mga barangay ng may 40 bayan, kasama na ang walong (8) islang bayan at iba pang mas maliliit na isla.”

 

Pantay na pag-unlad at epektibong pamunuan, at hindi paghati ang nais siguruhin ng panukalang batas na ito.  Sa lawak ng lupain at sa laki ng populasyon ng ating probinsya, maganit para sa nag-iisa at sentralisadong lokal na gobyerno na pumayong sa kabuuan.  Sa paglikha natin ng bagong probinsya ng Quezon del Sur, umaasa tayong makalikha ng mas matatag na Quezon- higit na oportunidad para sa ekonomyang paglago, mas malawak na serbisyong pampubliko at mas abot-kamay na gobyerno.” ani Tanada.